Mas marami pang miyembro ng militar ang itatalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte sa iba’t ibang posisyon sa pamahalaan.
Ito ang ipinabatid mismo ng Pangulo sa kanyang naging talumpati sa Jolo Sulu sa Araw ng Kagitingan.
Ayon kay Pangulong Duterte, marahil ikinagugulat ng ilan kung bakit karamihan sa miyembro ng kanyang gabinete ay sundalo.
Aniya, hindi ito paraan para magpalakas sa militar dahil inihalal siya ng taumbayan bagkus ay kanya lamang hinahangan ang tunay na katapatan at kasipagan ng mga sundalo.
Paliwanag pa ni Pangulong Duterte, kanya lamang din ikinadismaya ang ilang mga nasa pamahalaan na nasasangkot sa korapsyon.
Kasabay nito, pinasalamatan ni Pangulong Duterte ang kanyang gabinete at mga itinalagang opisyal na tumutulong aniya sa kanya para pamahalaan ang gobyerno.
‘Pinakamagigiting’
Nakatalaga sa Jolo Sulu ang mga pinakamagigiting na sundalo ng bansa.
Ito ang ipinagmalaki ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang naging talumpati sa Camp Teodulfo Bautista bilang bahagi ng paggunita sa Araw ng Kagitingan.
Ayon kay Pangulong Duterte, sinadya niya talagang magtungo sa Jolo sa araw na inaalala ang mga magigiting na Pilipino na nagsilbi sa bansa noong World War II.
Sinabi ng Pangulo, Lahat ng mga Filipino ay nararapat lamang tawaging matapang pero nasa Jolo aniya makikita ang mga pinakamagigiting.
Ito aniya ang dahilan kaya ibinibigay niya sa mga matatapang na kalalakihan ng Jolo ang walang hanggan niyang pasasalamat para sa kanilang mga nagawa sa bansa.
Kasabay nito, muli namang tiniyak ni Pangulong Duterte ang lahat ng tulong at suporta sa tropa ng pamahalaan gayundin sa kani-kanilang pamilya.
‘ISIS hindi na makakatungtong sa Pilipinas’
Tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi na makatutungtong kailanman sa Pilipinas ang teroristang grupong Islamic State of Iraq and Syria (ISIS).
Sa kanyang talumpati sa Araw ng Kagitingan sa Jolo Sulu, pinapurihan ni Pangulong Duterte ang mga nagawa ng militar laban sa Abu Sayyaf Group na kilalang kaalyado ng ISIS.
Aniya, ang mga pagsisikap ng militar ay naglalapit sa pangunahing layunin ng bansa na tuluyang masugpo ang mga ginagawang karahasan ng mga terorista at ang pinagmula nito.
Bagama’t aminado si Pangulong Duterte na ikinababahala ng pamahalaan ang presensiya ng ISIS, tiwala pa rin siyang patuloy na lalabanan ng militar ang anumang teroristang grupo para matiyak ang seguridad ng taumbayan.
Kasabay nito, tiniyak ng Pangulo na patuloy na tutuparin ang kanyang pangako para sa implememtasyon ng AFP Modernization Program.
—-