Asahan pa ang mas maraming One-Time Big-Time Anti-Drug Operations ng Philippine National Police (PNP) sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ito ang inihayag ni PNP Deputy Chief for Administration, Deputy Director General Ramon Apolinario kasunod ng mga ikinasang anti-drug operations sa Bulacan at Maynila kung saan marami ang nasawing drug suspect sa loob lamang ng ilang oras.
Ayon kay Apolinario hindi nagbago ang sigasig ng PNP sa pagtugis sa mga drug personalities subalit lumutang lamang dahil sa sabay-sabay na ikinasang operasyon ng mga pulis at nagresulta sa malaking bilang ng mga nasawi.
Pagtitiyak naman ni Apolinario, lehitimo ang mga isinagawang operasyon at naaayon sa police operational procedure ng PNP.
Apolinario no comment sa pagreretiro ni Gen. Bato
Dumistansya si Deputy Director General Ramon Apolinario, ang ikalawang pinakamataas na opisyal sa PNP, sa usapin ng maagang pagreretiro ni PNP chief Director General Ronald Dela Rosa.
Ayon kay Apolinario, si Pangulong Rodrigo Duterte na ang bahalang magpasya sa naturang usapin.
Aniya, sa Enero pa ng susunod na taon tutuntong sa retirement age ng PNP na 56 si Dela Rosa.
Kasabay nito, sinabi ng opisyal na suportado niya si Dela Rosa at kitang-kita naman aniya ang kasipagan nito sa trabaho.
Si Apolinario ang posibleng pumalit kay Dela Rosa bilang PNP Chief sakaling magretiro na ito sa serbisyo bilang No. 2 man sa pambansang pulisya.