Mas marami pang dati at kasalukuyang halal na opisyal ng pamahalaan ang posibleng makasuhan sakaling pumayag ang pamahalaan na gawing state witness si Janet Napoles.
Ayon kay Atty. Stephen David, isa sa mga abogado ni Napoles, noong nakaraang administrasyon pa sila nag-apply bilang state witness subalit isinantanbi ito ng Aquino administration dahil alam nilang marami sa kanilang mga kasamahan ang tatamaan ng testimonya ni Napoles.
Doble rin anya ang tiyansa na magtagumpay ang mga PDAF o Priority Development Assistance Fund cases kung si Napoles ang state witness sa halip na si Benhur Luy.
Sinabi ni David na dahil ilang beses na ring napatunayan ang kawalang kredibilidad ni Luy.
Ang pagsisinungaling rin anya ni Luy ang dahilan kayat napawalang sala si Napoles sa kasong illegal detention.
Una nang inabsuwelto ng Court of Appeals si Napoles dahil sa di umano’y kabiguan ng prosecution na patunayan nang walang kaduda-duda ang alegasyong illegal detention laban dito.
“Kung gusto talagang malaman ng taong bayan ay kung ano talaga ang toong nangyari eh dapat siyang pakinggan, pero syempre yung dating administrasyon ayaw naman siyang pakinggan kasi may mga tao na kaalyado nila na tatamaan, sabi nila polluted naman daw na source si Janet, kasi kung susundan mo naman ang hearing namin sa Sandiganbayan, wala naman ang testimony ni Benhur puro hearsay, yung iba hindi naman hearsay pero walang evidential weight.” Pahayag ni David
Samantala, binalaan ng dating abogado ni Benhur Luy ang pamahalaan laban sa paggamit kay Janet Lim Napoles bilang state witness.
Ayon kay Atty. Levi Baligod na unang nagbunyag ng pork barrel scam, walang kredibilidad si Napoles dahil sa pagbago bago nitong mga pahayag.
Sinabi ni Baligod na maaaring plano ng Solicitor General na gamitin si Napoles para kasuhan ang iba pang sangkot sa pork barrel scam subalit nakalusot sa nagdaang administrasyon.
Gayunman, dapat anyang maghinay-hinay si SolGen Jose Calida dahil marami pa namang mga ebidensya na puwedeng gamitin para makasuhan ang mga ito.
By Len Aguirre | Ratsada Balita (Interview)
Mga sabit sa ‘pork’ scam nanganganib madagdagan pa was last modified: May 9th, 2017 by DWIZ 882