Nanganganib na maging isang malaking base militar ng Amerikano ang Pilipinas kapag pinal nang pinagtibay ng Korte Suprema ang EDCA o Enhanced Defense Cooperation Agreement.
Ayon kay dating Bayan Muna Partylist Representative Teddy Casiño, kahit sa mga panahong hindi pa ipinatutupad ang EDCA ay may sarili nang military barracks sa Zamboanga ang US Forces at maaaring lumawak ito sa iba’t ibang panig ng bansa sa sandaling ipatupad na ang EDCA.
Dahil dito, tiniyak ni Casiño na hindi nila tatantanan ang pagkuwestyon sa legalidad ng EDCA.
Babalik aniya ang mga militanteng grupo sa kalsada upang iprotesta ang desisyon ng Supreme Court na ideklarang legal ang EDCA subalit sasabayan nila ito ng paghahain ng motion for reconsideration sa kataas-taasang hukuman.
“Hindi na kasing tulad ng mga base militar dati sa Clark at Subic, kasi nagbago na rin ang konsepto ng US ng military bases but basically it will serve the same purpose, papatakbuhin ito bilang isang US military base doon sa Zamboanga, kung saan yung military barracks ng US Forces doon ay off limits sa mga Pilipino, yung kanilang mga ships ni hindi natin ma-inspeksyon, ganyan ang mangyayari at magaganap yan sa maraming bahagi ng ating bansa.
Ayon kay Casiño, naunawaan nila na ang nangyayari sa West Philippine Sea ang pinaka-ugat kung bakit masigasig ang gobyerno na maibalik sa bansa ang presensya ng US Forces.
Gayunman, kumbinsido si Casiño na kahit pa walang EDCA, tutulong pa rin ang US sa Pilipinas sa usapin ng inaagaw na teritoryo ng bansa sa West Philippine Sea.
“Sinasabi nga natin ay ang solusyon naman diyan ay hindi yung pagbabalik ng base militar ng Kano na isang paglabag din sa ating soberanya, at mas kailangan nating maging creative at assertive sa usaping yan pero not to the point na ibabalik naman natin yung dating kalakaran ng mga Amerikano, na itinuturing ang Pilipinas bilang kanilang teritoryo, whether may EDCA o wala, ang Estados Unidos kikilos yan batay sa kanilang interes.” Pahayag ni Casiño
Di ipinagbabawal sa konstitusyon
Samantala, aminado naman si Congressman Rodolfo Biazon, Chairman ng House Committee on National Defense sa posibilidad na magbalik ang US bases o manatili sa mas mahabang panahon ang US Forces sa Pilipinas.
Kasunod ito ng pagdedeklara ng Korte Suprema na legal ang EDCA o Enhanced Defense Cooperation Agreement.
Ayon kay Biazon, hindi naman ipinagbabawal ng konstitusyon ang pagkakaroon ng mga base militar sa bansa kung mayroon itong pinasok na tratado sa ibang mga bansa tulad ng mutual defense treaty sa Estados Unidos.
Maliban dito, sinabi ni Biazon na sa panahong ito, walang kahit na anong bansa ang may kakayahang idepensa ng nag-iisa ang kanilang mga teritoryo.
“Hindi tahasang ipinagbabawal ang presence ng foreign bases, presence ng foreign troops, ito ay puwede kung may treaty, walang bansa na may kakayanan na pansarili na hindi mangangailangan ng tulong ng ibang bansa, terrorism, disaster, yung creeping aggression, territorial aggression ng ibang bansa kagaya ng Russia at China, tapos itong panganib naman ng North Korea, ibang klase naman yun.” Pahayag ni Biazon.
By Len Aguirre | Ratsada Balita | Balitang Todong Lakas
*Photo Credit: inquirer.net