Mas nakararaming Filipino ang natatakot lumabas ng kanilang mga tahanan sa gitna ng kinakaharap na krisis ng bansa dahil sa COVID-19 pandemic.
Batay ito sa resulta ng survey na kinomisyon ng health maintenance group na Philcare.
Lumabas dito na 60% ng mga Filipinong respondents ang nagsabing hindi pa sila kumportable na bumalik sa trabaho.
77% naman ng mga respondents ang nagsabing hindi sila panatag na lumabas ng kani-kanilang mga tahanan sa gitna ng pandemiya.
Hinggil sa tanong kung ano ang kanilang ikinababahala sa nararanasang pandemiya, mahigit 92% ang nagsabing natatakot silang magpositibo sa COVID-19.
92.75% naman ang nakakaramdam ng pag-aaalala sa tuwing naririnig nila ang balita hinggil sa tumataas na bilang ng mga nagpositibo.
Habang 92% rin ang iniisip ang posibilidad ng second wave ng pandemiya.
Ayon kay Philcare President at CEO Jaegar Tanco, isinagawa ang survey para magkaroon ng mas malalim na kaalaman sa mindset ng mga Filipino sa gitna ng kawalan ng katiyakat at hindi magagandang pangyayari bunsod ng COVID-19.