Nakatakdang magbukas ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng mas maraming passport appointment slots sa mga susunod na araw.
Ito’y makaraang isailalim ang Metro Manila at iba pang lugar sa mas maluwag na alert level 1 simula Marso a–uno hanggang a–kinse.
Ayon kay DFA Assistant Secretary of the Office of Consular Affairs Senen Mangalile, nakapag-alok sila ng mahigit 13,000 passport appointment slots kada araw noong pre-pandemic period kaya’t magagawa nila itong muli ngayong niluwagan na ang COVID-19 alert status.
Gayunman, bumaba ito sa 6,000 kada araw bunsod ng COVID-19 restrictions, kabilang na ang mahigpit na pagsunod sa social distancing at health protocols sa DFA offices noong isang taon.
Sa kasulukuyan anya ay 10,000 passports kada araw ang alok ng kagawaran simula pa noong Enero at inaasahang tataas ang demand ngayong buwan.