Mas maraming Pilipino ang tila sumama o lumala ang pamumuhay kaysa mga Pilipinong gumanda ang buhay.
Batay ito sa kauna unahang survey ng Social Weather Station (SWS) mula nuong unang quarter ng 2015 at isinagawa mula Septyembre 15 hanggang 24 sa 1,500 adults sa pamamagitan ng face-to-face interview.
Ayon sa survey, 28 porsyento ng mga Pilipino ang nagsabing gumanda ang kanilang buhay sa ikatlong quarter ng 2018 samantalang 30 porsyento naman ang nagsabing pumangit o lumala ang sitwasyon ng kanilang pamumuhay.
Nakasaad din sa nasabing survey na 36 porsyento ng mga respondent ang inaasahang gaganda ang kalidad ng kanilang buhay sa susunod na isang taon samantalang siyam na porsyento ang nagsabing posibleng lumala ang kanilang pamumuhay sa susunod na labing dalawang buwan.
Samantala, bagsak ang kumpiyansa ng publiko sa ekonomiya ng bansa kung saan nasa 31 porsyento ng respondents ang optimistic o positibo na uunlad ang ekonomiya ng bansa sa susunod na taon.
20 porsyento naman ang naniniwala na babagsak ang ekonomiya para sa net economic optimists score na positive 11.
Ito ay labing siyam na puntos na mababa sa positive 30 o excellent nuong Hunyo at ito na ang pinakamababa mula sa positive 6 o high nuong Marso 2015.
Ayon sa SWS, ang net economic optimists ay ang expectation o kung ano ang inaasahan ng publiko sa ekonomiya ng bansa.