Mas maraming Filipino na ang pabor sa legalisasyon ng divorce sa bansa.
Batay ito sa isinagawang survey ng Simbahang Katolika sa pamamagitan ng Radio Veritas simula noong Disyembre ng nakaraang taon hanggang Enero.
Lumabas na 39 percent ng nasa isang libo’t dalawang daang (1,200) respondents ang sang-ayon sa panukalang diborsyo habang 35 percent ang hindi sang-ayon dito.
Nasa 13 percent naman ng mga respondent ang may bahagyang pagtutol sa diborsyo.
Batay din sa survey, mas marami ang bilang ng mga babaeng pabor sa divorce na nasa 43 percent habang 34 percent lamang sa mga kalalakihan.
Itinuturing naman ni Radio Veritas President Father Anton Pascual na wake-up call at isang malaking hamon para sa Simbahang Katolika ang resulta ng nasabing survey.
Ayon kay Father Pascual, nangangahulugan ito na kinakailangan pang pag-ibayuhin ng simbahan ang kanilang mga pangaral sa mga mananampalataya kaugnay sa pagiging sagrado ng kasal.
—-