Inaasahan na ng Department of Justice ang mas maraming reklamo laban sa mga pulis na sangkot sa pagpatay sa 17 anyos na si Kian Loyd Delos Santos.
Una ng naghain ng kasong murder at torture ang mga magulang ni Kian na sina Saldy at Lorenzana Delos Santos laban kina Chief Insp. Amor Cerillo, Police Officer 3 Arnel Oares, Police Officers 1 Jeremias Tolete Pereda at Jerwin Roque Cruz.
Noon namang Huwebes, sinampahan ng National Bureau of Investigation ng kasong murder, violation of domicile under article 128 ng revised penal code at section 29 ng comprehensive dangerous drugs act o planting of evidence laban sa mga nasabing pulis.
Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre, nakatakdang pagsamahin ang mga nasabing kaso at inaasahang madaragdagan pa ang mga ito.
Agosto 30 naman nang bumuo si O.I.C.-Prosecutor General Severino Gaña ng three-man panel na hahawak sa mga kaso laban kina Cerillo, Oares, Pereda at Cruz.
Itinalaga ni Gaña upang humawak sa kaso sina Senior Assistant State Prosecutor Tofel Austria, Assistant State Prosecutor Amanda Garcia at Associate Prosecution Attorney Moises Acaya.
By: Drew Nacino
SMW: RPE