Inaasahan ng palasyo na magiging maganda ang employment scenario sa mga susunod na araw habang pinaluluwag ang COVID-19 restrictions.
Ito ang tugon ni acting presidential spokesman at cabinet secretary Karlo Nograles sa inilabas na datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) na tumaas ang bilang ng mga walang trabaho noong isang taon.
Umabot na sa 3.27 million ang walang hanapbuhay noong Disyembre kumpara sa 3.16 million noong Nobyembre 2021.
Ayon kay Nograles, sa gitna ng umiiral na alert level 2 sa maraming bahagi ng bansa kasabay ng muling pagbubukas ng turismo ngayong Pebrero ay inaasahan nilang madaragdagan ang makababalik sa trabaho.
Nagkaroon naman anya ng improvement sa underemployment rate sa bansa dahil 14.7 percent ang nagkaroon ng trabaho kumpara sa 17.7 percent.
Bahagya ring tumaas ang labor force na 49.55 million na employed o noong Disyembre mula sa 48.64 million noong Nobyembre 2021 dahil sa pagluwag ng restrictions at pagdami ng seasonal job vacancies noong nakaraang mga holiday.