Halos walong milyong trabaho ang target maibigay ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Trade and Industry (DTI) hanggang sa taong 2022.
Ang mga nasabing trabaho ay mula sa sektor ng manufacturing, agri business, construction, turismo, hotel and restaurant at iba pa.
Sinabi ni Labor Undersecretary Bernard Olalia na nais ng gobyerno na mabigyan ng trabaho ang mga Pilipinong walang trabaho para hindi na lumabas ng bansa.
Kasabay nito, tiniyak ni Olalia ang mahigpit na pagbabantay sa seguridad ng mga OFW o Overseas Filipino Worker para hindi sila mabiktima ng illegal recruiters at pang-aabuso ng mga employer.
DOLE mahigpit na piatututukan ang pagpapatupad ng Department Order 178
Mahigpit na pinatututukan ng DOLE o Department of Labor and Employment sa kanilang regional offices ang pagpapatupad ng Department Order 178 o pagbabawal sa mga kumpanya na pag-suotin ng sapatos na may mataas na takong ang kanilang mga babaeng empleyado.
Ito ay matapos makumpirma ng DOLE na ilang mga kumpanya ang hindi pa rin sumusunod at nagbabalewala sa nasabing kautusan kung saan partikular na tinukoy ang isang shoe store sa Maynila.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello, partikular na tututukan ang mga mall, supermarket, restaurant, fast food chain at iba pang establisyemento.
Pinaalalahanan din ni Bello ang mga kumpanya na may kaakibat na parusahan ang mga lalabag sa Department Order 178.
Nakasaad sa nasabing kautusan ang pagpapasuot ng angkop na sapatos sa mga babaeng empleyado, angkop na flooring, paglalagay ng lamesa at upuan at pagbibigay ng oras para makapagpahinga.