Umaasa si dating Senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na magiging mas maganda ang pasko ng mga Filipino ngayong taon, lalo’t dumarami na ang mga bakunado at protektado laban sa COVID-19.
Ayon kay Marcos, makakamit ang herd immunity kung 80 hanggang 90% ng populasyon na ang bakunado hanggang Disyembre.
Nanawagan naman ang dating mambabatas para sa mas sistematiko at epektibong vaccination roll out at dagdagan ang vaccine supply at cold chain storage facilities sa mga lalawigan.
Dapat din anyang makipag-ugnayan ang Department Of Health sa mga LGU upang matiyak na sapat ang bilang ng mga vaccinator at tiyakin ng Department Of Energy na may stable power supply o generators na naka-standby sakaling magkaroon ng power outages.
Ipinunto ni Marcos na nahihinto lamang ang bakunahan kapag numinipis ang vaccine supply kaya’t mahalaga ang tulong ng national government sa mga LGU sa mga lalawigan.
Simula Marso 1, halos 70 milyong doses na ng COVID vaccine ang dumating sa bansa at sa katapusan ng buwan ay inaasahang aabot na ito sa 100 milyon. —sa panulat ni Drew Nacino