Asahan na ang mas mabigat na trapiko sa Quezon City simula ngayong araw dahil sa konstruksyon ng Metro Rail Transit Line 7 o MRT-7.
Batay sa abiso ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA, magpapatupad sila ng “one–way traffic” sa Regalado mula Mindanao Avenue hanggang Commonwealth Avenue simula kaninang alas-5:00 ng umaga hanggang mamayang alas-10:00 ng gabi.
Inaasahan din ang masikip na daloy ng trapiko sa intersection ng Commonwealth at Tandang Sora Avenue , simula bukas , Mayo 1 dahil sa pagsisimula ng konstruksyon ng Tandang Sora Station ng MRT-7.
Gigibain din ang Tandang Sora Flyover na inaaasahang matatapos sa loob ng labintatlong (13) buwan o mahigit isang taon.
Walong buwan naman ang aabutin ng paghuhukay para sa MRT-7 underground guideway mula North Avenue hanggang Commonwealth.
Bunsod nito, dalawang lanes ng North Avenue hanggang Elliptical Road ang isasara sa mga motorista.