Maaaring hindi na magpatupad ng mas mataas na COVID-19 Alert level kung mababa pa rin ang hospitalization rate sa kabila ng tumataas na mga bagong infection sa nakalipas na ilang linggo.
Ito ang inihayag ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion sa gitna ng pangambang posibleng ibalik sa Alert level 2 status ang National Capital Region.
Ayon kay Concepcion, hindi naman lahat ng COVID-19 cases ay humahantong sa mga ospital dahil ilan lamang ang severe at critical na na a-admit, kaya’t wala pang dahilan na isailalim muli ang NCR sa mas mataas na Alert level.
Una nang ibinabala ng Department of Health na may posibilidad na ibalik sa Alert level 2 ang Metro Manila kung patuloy na tataas ang COVID-19 cases.
Nakatakdang mag-expire ngayong araw sa NCR at iba pang bahagi ng bansa ang Alert level 1, na pinaka-mababang COVID Alert level system.
Sakaling bumalik sa Level 2, balik din sa 50% ang indoor capacity ng mga establisyimento at aktibidad para sa mga fully vaccinated adults habang 70% ang outdoor capacity.