Isiniwalat na ng Duterte administration ang mga prioridad nitong panukalang batas.
Ito’y kinabibilangan ng reporma sa pagbubuwis, Bangsamoro Basic Law o BBL at gayundin ang mga proposed bill na may kaugnayan sa pambansang seguridad.
Itinutulak din sa Kongreso ang tax reform package na bagama’t magpapataas sa kita ng gobyerno ay hindi naman pabigat sa mga mahihirap.
Ayon kay Finance Secretary Carlos Dominguez, posibleng itaas ng gobyerno ang buwis sa mga “ubod ng yaman” bilang bahagi ng tax reform ni Pangulong Duterte.
Ang mga minimum wage earner at mga kumikita ng hindi aabot sa 3 milyong piso kada tao ay posibleng i-exempt sa pagbabayad ng income tax o 25 percent.
Tinatayang 1,000 indibidwal ang bumubuo sa mga “ultra rich” kumpara sa mga kumikita ng hindi aabot ng 3 million pesos kada taon na bumubuo sa 90 percent ng workforce ng bansa.
Nais naman ng mga finance official na mapatawan ng buwis sa mga sugar-sweetened drink, tulad ng soft drinks, upang makalikom ng pondo na aabot sa 35 billion pesos.
Tinututukan din ng pamahalaan ang pagpapataas sa excise tax sa regular, leaded, unleaded at premium gasoline sa 10 pesos per liter mula sa dating 4.35 pesos per liter.
Itataas naman sa 6 pesos per liter ang buwis sa diesel, bunker fuel oil, alcohol, kerosene, LPG at processed gas.
Samantala, itinutulak din ng Duterte administration ang pag-amyenda sa human security act, terrorism financing prevention and suppression act, cybercrime prevention act at national defense act.
By Jelbert Perdez