Nanganganib na mas tumaas pa ang presyo ng produktong petrolyo pagsapit ng Abril.
Ayon sa Department of Energy o DOE, inaasahan na matutuloy na ang pagpapatupad ng Amerika ng sanctions nito sa Iraq na isa sa pinakamalaking exporter ng langis.
Gayunman, umaasa ang ahensya na gagawa ng hakbang ang Organization of the Petroleum Exporting Countries o OPEC at mga kaalyado nito para hindi lubusang magmahal ang langis.
Dahil dito, pinayuhan ng DOE ang mga motorista na maging wais sa pagkonsumo ng kanilang langis.
Ngayong araw, muling inilarga ng mga kumpanya ng langis ang taas presyo sa kanilang mga produktong petrolyo.
Epektibo kaninang alas-6:00 ng umaga ang ang siyamnapung sentimos (P0.90) na dagdag sa kada litro ng gasolina ng kumpanyang Petron, Shell at Sea Oil.
Habang walumpu’t limang sentimos (P0.85) naman ang taas presyo sa kada litro ng kerosene at limampu’t limang sentimos (P0.55) sa kada litro ng diesel.
Magpapatupad din ng kaparehang taas presyo sa kada litro ng gasolina at diesel ang mga kumpanyang Phoenix Petroleum, Unioil, PTT Philippines, Total Philippines at Jetti, Eastern Petroleum at Petro Gazz.
Ayon sa DOE, ang taas presyo ay bunsod ng pagbabawas ng langis sa pandaigdigang merkado dahil sa dami ng supply bago natapos ang 2018.
—-