Nagbabadya sa mga susunod na linggo ang mas mataas na singil sa kuryente.
Ito’y makaraang dumoble nitong Marso ang power rates sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) bunsod ng mababang supply at mataas na demand dahil sa umiinit na panahon.
Sa datos ng Independent Electricity Market Operator of the Philippines (IEMOP), sumirit sa 95.5% o P5.34 centavos per kilowatt-hour ang presyo ng kuryente sa wesm kumpara noong isang buwan kumpara sa p2.73 centavos noong Pebrero.
Ito na sa ngayon ang pinaka-mataas na lebel ng power rate sa nakalipas na pitong buwan o simula noong agosto kung saan naitala ang P5.94 centavos per kilowatt-hour.
Tinukoy ni IEMOP Corporate Planning and Communications Manager Arjon Valencia na dahilan ng increase sa demand ay ang matinding init na naranasan noong unang linggo ng Marso.
Sa kabila nito, tiniyak ng Department of Energy ang sapat na supply ng kuryente ngayong dry season at hindi inaasahan ang yellow at red alerts status sa mga susunod na linggo basta’t hindi papalya ang mga power plant.