Tinawag na hibang ng Communist Party of the Philippines o CPP ang Armed Forces of the Philippines o AFP sa pahayag nitong tatapusin ang mga komunistang rebelde ngayong taon.
Ayon sa CPP, taliwas ang pahayag na ito ng AFP sa unang sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na malabong mapulbos ang kanilang grupo sa loob lamang ng isang taon.
Pinasinungalingan din ng CPP na nakikipag-alyansa ang kanilang grupo sa mga grupong kontra Duterte dahil sa sila ay bankrupt na.
Samantala, nagbanta naman ang CPP na patuloy nilang palalakasin ang kanilang hanay kasabay ng paglulunsad ng mas marami at malalaking opensiba.
Iginiit din ng Communist Party of the Philipiines – New People’s Army na hindi sila makikilahok sa gagawing pagdinig ng korte sa petisyon ng pamahalaan para ideklara ang kanilang grupo bilang terorista.
Ayon kay CPP Founder Joma Sison, bilang isang puwersa rebolusyonaryo ang kanilang grupo ay may sariling revolutionary democratic government na sinusunod.
Dahil dito, binigyang diin ni Sison na hindi maaaring pumasok sa korte ng Pilipinas ang CPP at NPA para dumalo o lumahok sa anumang paglilitis.
Una rito, inihayag ni Justice Secretary Aguirre na posibleng maihain na nila sa korte sa susunod na linggo ang petisyong humihiling na ligal na ideklara ang CPP-NPA bilang isang teroristang grupo.
Inaasahan din ni Aguirre na sasalungatin ng komunistang grupo ang kanilang petisyon ng pamahalaan sa korte oras na mag-simula na ang paglilitis hinggil dito.
–Krista de Dios