Ibinabala ng pamahalaan ang mas matindi pang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa Metro Manila sa mga susunod na araw.
Ayon kay Budget Secretary Benjamin Diokno, sabay-sabay ilalarga ang iba’t ibang infrastructure projects ng Duterte administration sa ilalim ng Build Build Build Program.
Aminado si Diokno na mala-impiyernong hirap muna ang daranasin ng mga motorista subalit langit naman anya ang kapalit nito sa sandaling makumpleto ang lahat ng proyekto na popondohan ng 8.4 trillion pesos.
Sinabi ni Diokno na twenty-four seven ang gagawing konstruksyon kaya’t lahat ay daranas ng hirap.
Binigyang diin Diokno ang target ng administrasyon na mabigyan ng ligtas at mas komportableng transportasyon ang mamamayang Pilipino upang mas maging produktibo sa halip na nauubos ang panahon sa masikip na daloy ng trapiko.
Kabilang sa mga proyektong sabay-sabay ipagagawa ng administrasyon ang mga highways, railways, subways at bus rapid transit system.
By Len Aguirre