Mas matinding daloy ng trapiko ang sasalubong sa mga motoristang dumaraan sa mga kalsadang malapit sa itinatayong Metro Rail Transit Line 7, simula sa Lunes.
Ito, ayon sa MRT-7 traffic management task force, ay bunsod ng nakatakdang paglalagay ng mga rail track at konstruksyon ng mga istasyon.
Kabilang sa mga ma-aapektuhan ang North at Commonwealth Avenues sa Quezon City at Quirino Highway sa Caloocan City.
Inabisuhan ng task force ang mga motorista na iwasan muna ang North Avenue sa halip ay dumaan sa mga alternatibong ruta sa oras na magsimula ang rail track installation sa Quezon Memorial Circle station, sa Enero a-kinse.
Matinding traffic din ang sasalubong sa mga dumaraan sa magkabilang west at eastbound ng Commonwealth dahil sa konstruksyon ng Don Antonio at Batasan Stations.
Asahan ding magsisimula ngayong unang quarter ng taon ang konstruksyon ng University Avenue, Manggahan, Doña Carmen at Regalado Stations habang ngayong Enero rin sisimulan ang paglalagay ng mga riles sa Quirino Station as Caloocan City.