Target ng PNP Highway Patrol Group na malagyan ng mas matibay nang barrier ang yellow bus lane sa kabuuan ng EDSA.
Ayon kay Supt. Arnold Gunnacao, Hepe ng PNP-HPG, maliban sa barrier, maglalagay rin ang DPWH ng steel fence upang tuluyang maiwasan ang paglipat ng bus man o ng mga pribadong sasakyan sa lane na hindi nakalaan para sa kanila.
Sinabi ni Gunnacao na nagdesisyon silang ihiwalay ng tuluyan ang yellow bus lane dahil nakita nilang epektibo ang ginawa nilang eksperimento mula Shaw Blvd. hanggang sa Ayala Avenue kung saan nilagyan nila ng barrier ang yellow lane upang hindi magamit ng mga pribadong sasakyan.
“Umaayos na dahil dati po yung pag maluwag yung bus lane lilipat po yung private lane doon, tapos kapag dumating ang mga buses iiwas sila papunta sa private lane so nagkakaroon ng swerving, mamaya sisihan kung sino ang nagca-cause ng traffic, pero ngayon po ay wala nang sisihan dahil yung mga buses po kung tutuusin ay maluwag na ang kanilang daan, nagkakaroon lang ng konting pagbigat ng trapiko sa kanilang areas sa mga intersections kung saan nagbababa na sila ng pasahero at tumitigil na sila.” Pahayag ni Gunnacao.
By Len Aguirre | Ratsada Balita