Mas matitinding pagbaha ang maaaring maranasan ng bansa sa susunod na 20 taon kung magpapatuloy ang global warming.
Babala ito ni Dr. Alfredo Mahar Lagmay, Executive Director ng Project Noah sa harap ng patuloy na pagkatunaw ng yelo sa South at North Pole.
Ayon kay Lagmay, bagamat malayo ang Pilipinas sa Antarctica, tumataas rin ang level ng tubig sa karagatang sakop ng Pilipinas taun-taon.
Bagamat maliit lamang aniya ang sukat ng itinataas ng level ng tubig sa karagatan ng Pilipinas, maaari itong maipon sa pagdaan ng mga taon kung hindi mapipigil ang global warming o ang pag-init ng mundo.
“Mabagal naman ang pagtaas nito, ang nagiging bunga kapag tumaas ang tubig sa karagatan eh sa mga baybaying dagat, mas mataas ang tubig ng kalahating kuko kada taon, nagsama-sama ito sa loob ng 10 o kaya ay 20 taon, yung kalahating kuko ay magiging 10 beses o 20 beses ang taas, ang mangyayari po ay mas babahain yung mga nasa baybaying dagat.” Ani Lagmay.
Samantala, tukoy na ng Project Noah ang mga lugar na posibleng makaranas ng mga matitinding baha at landslide sa pagsapit ng tag-ulan.
Ayon kay Lagmay, ipinamamahagi nila ito sa mga Local Government Units (LGUs) upang magamit sa kanilang paghahanda sa pagdating ng panahon ng tag-ulan.
“Para magamit nila ito sa kanilang preparasyon, ang mga mapa pong ito ay nagsasabi sa atin at tinutukoy kung saan ang mga lugar na puwedeng bahain kung sakaling malakas ang pagbuhos ng ulan, sa ganung paraan ay maiiwasan natin yung mga mapanganib na lugar.” Pahayag ni Lagmay.
Tsunami
Nanganganib ring mangyari sa Pilipinas ang matataas na tsunami na tulad ng naranasan sa Japan at Indonesia.
Babala din ito ni Lagmay sa harap ng posibilidad na magkaroon ng 8.3 magnitude ng lindol sa karagatang sakop ng Pilipinas.
Ayon kay Lagmay, ang mga siwang sa ilalim ng karagatan ay kahalintulad rin ng mga siwang sa Japan at Indonesia na makaraang makaranas ng malakas na lindol ay sinalanta pa ng Tsunami.
“Hindi po natin alam kung kailan exactly gagalaw ito, pero maaari itong gumalaw at gumawa ng mga tsunami pero hindi rin po tayo nakatitiyak kung ang mga tsunami na ito ay kasing taas nung sa Indonesia at Japan pero maigi na po na tayo ay nagpe-prepara kasi ang alam natin itong mga siwang ng lupa sa ilalim ng dagat ay malalaki din at maaari ding maganap yung mga malalaking paggalaw.” Paliwanag ni Lagmay.
By Len Aguirre | Ratsada Balita