Naniniwala si House Ways and Means Committee Chair Joey Salceda na bababa pa ang presyo ng pagkain sa Pilipinas.
Ito ay kasunod ng kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na padaliin proseso ng importasyon o pag-aangkat ng agricultural products sa bisa ng Administrative Order No. 20.
Sa pamamagitan ng Administrative Order No. 20, pinaluluwagan ni Pangulong Marcos sa Department of Agriculture (DA) ang administrative procedures sa pag-aangkat ng mga produktong pang-agrikultura.
Pinaaalis din nito ang non-tariff barriers na inaasahang magpapababa sa lokal na presyo ng mga bilihin.
Ayon kay Rep. Salceda, napakahirap para sa isang exporter na magbenta ng pagkain sa Pilipinas dahil sa taas ng trade protection nito sa mga produkto. Hindi na aniya dapat magtaka kung bakit mahal ang pagkain sa bansa.
Kaya para kay Rep. Salceda, nasa tamang direksyon ang kautusan ni Pangulong Marcos na magpapagalaw sa food manufacturing sector.