Inaasahang magtatagal ang El Niño sa bansa hanggang sa pagtatapos ng second quarter ng 2024.
Dahil dito, mas pinaigting ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga aksyon kontra sa El Niño phenomenon.
Ayon sa Department of Science and Technology (DOST), 65 na probinsya sa buong bansa ang posibleng makaranas ng drought o mahabang panahon ng mahinang pag-ulan. Anim naman ang maaaring makaranas ng dry spell.
Sa isang sectoral meeting na ginanap sa Malacañang noong December 12, 2023, iniutos ni Pangulong Marcos ang pagbuo ng Task Force El Niño. Pamumunuan ito ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa ilalim ng Office of the President (OP). Task Force ang titiyak sa sapat na supply ng tubig at energy resources hanggang sa susunod na taon.
Hinati naman sa limang sektor ang comprehensive strategy para labanan at pagaanin ang epekto ng tagtuyot. Based sa updated National Action Plan for El Niño, ang mga plano at aktibibad na ito ay para sa mga sektor ng water security, food security, power security, health security, at public safety.
Titiyakin ng water security at food security sectors ang pagkakaroon ng sapat na tubig at pagkain. Sa energy security sector naman, mababawasan ang power interruptions. Pipigilan naman ang paglaganap ng mga sakit at aksidente na dulot ng El Niño sa mga sektor ng health security at public safety.
Bukod dito, nais ng Pangulo na magkaroon ng malawak na information campaign para paalalahanan ang publiko na magtipid ng resources, lalo na ng tubig at kuryente.
Samantala, ipinag-utos na rin ni Pangulong Marcos na siguruhin ang maagang pag-aabot ng tulong sa mga apektadong lugar. Matatandaang kamakailan lang, tiniyak ng National Economic and Development Authority (NEDA) sa mga magsasaka at mangingisda na mabibigyan sila ng cash aid upang maibsan ang inaasahang epekto ng El Niño.
Inatasan naman ng Pangulo ang Department of Agriculture (DA) na paigtingin ang production support sa mga lugar na hindi masyadong maaapektuhan ng El Niño. Para stable pa rin ang produksyon ng pagkain sa bansa, sa kanila ita-target ang suporta dahil hindi naman sila lubhang maaapektuhan ng tagtuyot. Ayon nga kay NEDA Undersecretary Rosemarie Edillon, kahit magkaroon ng El Niño, masisiguro nitong may pagkain pa rin tayo.
Sabi ni DOST Secretary Renato Solidum Jr., may indikasyon na maihahambing ang mararanasang El Niño sa bansa sa itinuring na worst El Niño event noong 1997 hanggang 1998 kaya naman sinisikap ng administrasyong Marcos na gumawa ng mga konkretong plano at polisiya upang masiguro na handa ang Pilipinas sa weather phenomenon na ito.