Mas pinaigting na checkpoints sa Metro Manila, Rizal, Bulacan, Cavite, Laguna o tinawag na “NCR plus” ang sumalubong sa unang araw ng pag-iral ng general community quarantine (GCQ) ngayong Lunes, ika-22 ng Marso.
Bantay-sarado ng tauhan ng District Mobil Force Battalion ang checkpoints sa bahagi ng boundary ng Quezon City at San Mateo, Rizal sa Batasan-San Mateo Road.
Sa naturang checkpoint, tinatanong ang mga motorista kung saan at anong dahilan ang pagtungo ng mga ito sa isang lugar.
Kinakailangan namang magpresinta ang mga dadaang motorista ng kanilang mga ID kung sila ay papasok sa trabaho.
Nakalatag na rin ang checkpoint sa boundary ng Marikina City at San Mateo.
Tine-ticketan naman ang mga motoristang lumalabag sa ordinansa.
Samantala, bagaman hindi kasama sa GCQ bubble ay may ikinasa ring checkpoint sa boundary ng Calumpit, Bulacan at ng Apalit, Pampanga, para sa mga motoristang pa-pasok ng lalawigan.
Magugunitang isinailalim ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga nabanggit na lugar sa GCQ dahil sa pagsirit ng kaso ng COVID-19 mula ika-22 ng Marso hanggang ika-4 ng Abril, 2021.