Hinikayat ng liderato ng Bureau of Immigration (BI) ang pagpapasa ng makabago at mas pinahigpit na immigration laws para mas lalo pang maging epektibo ang ahensya sa pagpataw ng multa sa mga airline companies na lumalabag sa pagbyahe ng mga undocumented passengers o ‘yung mga hindi dumaan sa mabusising proseso bago makabyahe.
Ito ang naging panawagan ni BI Commissioner Jaime Morente makaraang matanggap ang komento ng Commission on Audit (COA) na maaari sanang kumita ang ahensya ng aabot sa P272-M kung napagbayad lang nila ang mga airline companies ng kani-kanilang mga multa mula pa noon 1999 hanggang nitong 2016.
Paliwanag ni Morente, alinsunod sa Section 44 ng Immigration Act, pagmumultahin nito ng P500 ang mga airline company o kaya’y mga barko oras na malamang nagpabyahe ang mga ito ng mga dayuhang hindi maayos and dokumento o undocumented passengers.
Mababatid na noong 1999, ay itininaas ni dating Justice Secretary Serafin Cuevas ang multa na aabot sa 50,000.
Bagamat itaas na ang dating mababang halaga ng multa ay muli naman itong ibinalik sa P500 noong 2016 alinsunod sa kautusan ni Justice Secretary Emmanuel Caparas dahil sa petisyong inihain ng mga airline companies.
Samantala, payo ng COA sa pamunuan ng BI, hilingin sa justice department na nakakataas sa kanila na resolbahin ang isyu.