Pinangunahan ng Philippine National Police – Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) ang mas pinaigting na recruitment process sa kanilang hanay.
Ito’y bilang tugon sa atas ni PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar na bantayan ng IMEG ang bawat hakbang sa kanilang recruitment process sa ilalim ng Intensified Cleanliness Program ng PNP.
Ngayong araw, inilunsad ng IMEG ang OPLAN PAGSUNGKO 2 kung saan, titiyakin ang integridad at kredibilidad sa pagpasok ng mga nagnanais maging alagad ng batas.
Magugunitang inaprubahan ng National Police Commission o NAPOLCOM ang hirit ng PNP na makapagrecruit ng humigit kumulang 17,000 Pulis na isasailalim sa QR system.
Una nang inihayag ng PNP Chief na walang palakasan, walang padrino at walang pabor ang ipatutupad nila upang makasiguro ang sambayanan na tanging ang mga malinis, tapat at may dignidad na Pulis ang maglilingkod sa kanila.