Nagbabala ang Japan sa epekto ng militarisasyon ng China sa mga pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea.
Tinukoy ng Japan Self-Defense Forces o JSDF ang mga base militar ng China sa panganiban o Mischief Reef, Zamora o Subi Reef, at Kagitingan o Fiery Cross.
Ayon sa JSDF, maaring magkaroon ng masamang epekto sa coastal states at maging sa sea lanes sa rehiyon ang militarisasyon ng China sa South China Sea.
Maaari rin anilang magkaroon ng submarine nuclear deterrence patrols ang China hindi lamang sa South China Sea kundi maging sa Western Pacific.
Ipinaliwanag ng JSDF na kapag nadomina ng China ang South China Sea, mas madali na para sa kanila ang magkaroon ng access sa Pacific sa pamamagitan ng Bashi Channel, ang tubig na naghihiwalay sa Batanes sa pinakadulong bahagi ng hilaga ng Pilipinas.
Una nang napaulat na umaabot sa tatlong libong (3,000) metro ang runways at port facilities sa South China Sea na maaaring magamit sa pagde-deploy ng aerial platforms tulad ng fighters, bombers at aerial vehicles.
—-