Dapat masusing tingnan ng Department of Agriculture ang sinasabing negatibo o hindi magandang epekto sa mga magsasaka ng Rice Tarrification Law o Republic Act 11203.
Ito ang panawagan ni senator Lito Lapid kay outgoing agriculture secretary William Dar sa ipinadala nitong liham sa kalihim kahapon.
Pinatutukoy rin ni Lapid kay Dar ang mga posibleng amendments o dapat rebisahin sa nasabing batas.
Isinagawa ng senador ang hakbang makaraang magpasaklolo sa kanya ang mga magsasaka at farm worker hinggil sa negatibong epekto ng Rice Tarrification Law.
Bagaman patapos na anya ang termino ni Dar, dapat nitong suriing maigi ang naging implementasyon ng naturang batas na nagdulot ng pasakit sa maraming magsasaka.
Ito’y upang mabigyan ng gabay ang susunod na administrasyon kung paano ma-i-sasaayos ang naturang programa para sa kapakanan ng sektor ng agrikultura. —mula sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)