Bahagyang lumuwag ang daloy ng trapiko sa EDSA sa unang araw ng deployment ng PNP-Highway Patrol Group base sa assessment ng traffic czar na si Secretary to the Cabinet Rene Almendras.
Gayunman, aminado si Almendras na hindi naman agad ma-peperpekto ng PNP-HPG ang traffic management sa 6 na chokepoint sa EDSA dahil na rin sa dami ng mga sasakyan.
Ayon kay Almendras, hindi naman mareresolba ng isang araw ang lumalalang traffic sa Metro Manila lalo’t kailangan ang koordinasyon at disiplina lalo sa panig ng mga motorista.
“Actually, ako’y natutuwa po dahil I expected worst, but it came out better than I’ve expected, worried po kasi ako dahil inaayos namin, syempre magkakagulo kasi first day hindi magkakaintindihan, may mga bago kaming gagawin na hindi sanay ang tao, pero ang nangyari naman po ay nag-improve talaga, varying degrees, sabi ng iba malaki ang improvement, sabi naman ng iba maliit ang improvement, pero atleast masasabi ko na nag-improve ang traffic sa EDSA.” Pahayag ni Almendras.
Passing grade
Samantala, binigyan din ng pasadong grado ni dating LTFRB at LTO Chairman Alberto Suansing ang performance ng PNP-Highway Patrol Group sa unang araw ng deployment nito sa mga chokepoint sa EDSA.
Ayon kay Suansing, na Executive Director ng Philippine Global Road Safety Partnership, bahagyang lumuwag ang daloy ng trapiko simula nang bumalik ang PNP-HPG.
“May pagbabagong naganap sa kahabaan ng EDSA like sa Balintawak, nagawang maitabi ang barrier na ginawa nila at itinaboy ang mga vendors.” Ani Suansing.
Gayunman, marami pang dapat tutukan ang PNP-HPG upang maisaayos ang daloy ng trapiko sa EDSA.
“Hindi pa nila nagagawan ng paraan kung paano mapapabilis ang daloy ng traffic doon sa upgrade level kasi ang dami ng mga sasakyan, karamihan diyan ay nanggagaling pa ng White Plains eh.” Pahayag ni Suansing.
By Drew Nacino | Kasangga Mo Ang langit | Balitang Todong Lakas