Nauwi sa kalungkutan ang dapat sana ay masayang pagdiriwang ng Pasko ng mga OFW sa Hongkong kasama ang kanilang pamilya dito sa Pilipinas.
Ito ay matapos madiskubre ng mga OFW na hindi na book ang ibinayad nila para sa kanilang biyahe pa Pilipinas.
Ayon sa report ng South China Morning Post pumapalo sa 200 hanggang 1,000 ang mga apektadong OFW at sinisisi rito ang Peya Travel Agency na sikat umano sa mga domestic helpers.
Nabatid na sumugod ang mga apektadong OFW sa Peya Travel Office sa Central Hongkong para igiit ang refund, rebooking at sagot sa hindi kumpirmadong biyahe na binayaran na nila.
Humingi naman ng paumanhin ang naturang travel agency at tiniyak na ginagawa ang lahat para mai book sa mga flight pa Pilipinas ang mga OFW na nakapagbayad na.
Pinapanagot naman ng Philippine Consulate General ng Hongkong ang Peya Travel sa insidente kasabay ang paalala sa mga OFW na huwag nang tangkilikin ang naturang travel agency.
Samantala nag alok naman ang Hongkong based Cathay Pacific ng distress fares sa mga OFW at nagpahayag ng posibleng pagbubukas ng economy seats sa mga distressed Pinoys sa mas malalaking eroplano nito.