Matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko ang naranasan sa malaking bahagi ng Metro Manila matapos ang ilang araw na bakasyon kaugnay sa paggunita sa Semana Santa.
Ito’y makaraang magbalikan sa Metro Manila simula kahapon ang malaking bilang ng mga nagbakasyon mula sa mga probinsya.
Sa Bocaue Toll Plaza ng North Luzon Expressway (NLEX), humaba ang pila ng mga sasakyan lalo sa mga cash-based counter hanggang sa Balintawak Exit.
Mula naman sa Sta. Rita Exit, sumikip ang daloy ng trapiko dahil sa isang minor incident paglampas sa Shell of Asia sa Guiguinto, Bulacan kaya’t inabot ng 20 hanggang 40 kilometers per hour (kph) ang takbo ng mga sasakyan.
Bahagya namang gumaan ang daloy ng trapiko sa South Luzon Expressway (SLEX) dahil sa mababang bilang ng sasakyan.
Samantala, sunud-sunod din ang dating ng mga bus sa mga terminal sa Cubao, Quezon City kaya’t nagkaroon ng traffic congestion sa bahagi ng EDSA habang inaasahan hanggang ngayong araw ang pagdagsa ng mga pasaherong pabalik sa Metro Manila.