Inihayag ng Department of Health (DOH) na hindi pa kailangan magsagawa ng mass burial para sa mga pasyenteng nasawi dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Health undersecretary Maria Rosario Vergeire, sa ngayon ay wala pang nakikitang pangangailangan ng pagsasagawa ng mass burial sa halip aniya ay naghahanda ang ibang ahensya ng iba pang pasilidad gaya ng “mobile freezers”.
Gagamitin ang mobile freezers para makatulong sa mga ospital na lumagpas na sa kanilang kapasidad.
Ipinabatid din ni Vergeire na pinapayagan din ang paglilibing sa mga pasyenteng nasawi sa virus basta’t kailangang tiyakin na ilalagay ang labi nito sa dalawang body bag bago ilagay sa kabaong.
Dagdag pa ni Vergeire, may sinusunod na mga guidelines ang mga ospital bago i-cremate ang bangkay ng nasawi sa COVID-19 para maiwasan ang pagkalat ng sakit.