Ipinagpaliban ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang nakatakda sanang pagsisimula ng mass registration para sa national ID system.
Ayon kay PSA Deputy National Statistician Assistant Secretary Lourdines Dela Cruz, batay sa kanilang orihinal na timeline, itinakda ang mass registration para sa national ID sa Hulyo.
Gayunman, dahil na rin aniya sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa, napagpasiyahan nilang ilipat na lamang ito sa Oktubre.
Sinabi ni Dela Cruz, uunahin sa mass registration ang mga kabilang sa tinatawag na marginalized sector at mahihirap upang makabuo na rin ng malinis na database na makatutulong sa pamamahagi ng ayuda mula sa pamahalaan.
Samantala, tiniyak ng PSA na susundin nila ang pagkakaroon ng social distancing sa isasagawang mass registration dahil isasagawa anila ito sa pamamagitan ng mobile registration kung saan sila ang pupunta sa mga komunidad.
Habang nakatakda rin nilang ilunsad ang online registration sa national ID para maiwasan na rin ang pagtitipon-tipon ng mga maraming tao.