Umarangkada na ang targeted mass testing ng pamahalaan para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Inter Agency Task Force Spokesman at Cabinet Secretary Karlo Nograles, unang isasalang sa mass testing ang mga suspected at probable carrier ng coronavirus lalo na ang mga nailipat na sa quarantine facilities.
Dahil dito patuloy anya nilang pinalalakas ang kapasidad ng bansa para maparami pa ang masuri kung carrier ng virus.
Nakipag-ugnayan na ang DOH sa University of the Philippines (UP) para sa deployment ng 300 medical technologists, molecular biologists, lab technicians at researchers.
Nakapagtapos na rin anya ng online biosafety course ang may 1,400 medical workers upang makatulong sa mass testing.
Sa hanay naman ng mga doktor, kung sakali anyang magkulang na ng health workers, nakahanda ang gobyerno na bigyan ng otorisasyon na mag practice ang mga hindi pa lisensyadong medical graduates.
Ina-adopt ng IATF ang mga patakarang ukol sa pagbigay ng special authorization for limited practice ng ating mga medical graduates, nililinaw lang natin na ang mga special authorization na ito ay ibibigay lang bilang last resort at ito ay epektibo lamang habang tayo ay nasa ilalim ng state of public health emergency,” ani Nograles.