Hindi sasagutin ng pamahalaan ang gastos sa pagsasagawa ng mass testing para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ng mga manggagawa mula sa pribadong sektor na posibleng magbalik na sa trabaho.
Ito ay sa oras na bahagyang lumawag na ang sitwasyon sa ilang mga lugar sa bansa na maisasailalim na lamang sa general community quarantine (GCQ).
Ayon kay Trade and Industry Secretary Ramon Lopez, nakikita nila ito bilang isang magandang opsyon ng mga kumpanya para matiyak ang seguridad sa kalusugan ng kanilang mga manggagawa.
Sinabi ni Lopez, maaari namang magkaroon ng mga declaration forms ang mga employers na kinakailangang sagutan ng kanilang mga manggagawa.
Sa ganitong paraan aniya, makagagawa ng maayos na listahan ang mga kumpaniya ng kanilang mga manggagawang posibleng nagkaroon ng contact sa isang positibo sa COVID-19 o masama ang pakiramdam na kinakailangang sumailalim sa test.
Una nang hinikayat ni Lopez ang mga pribadong sektor na isailalim sa COVID-19 test ang kanilang mga manggagawa bago muling bumalik sa trabaho bilang tulong sa mga ipinatutupad na hakbang ng pamahalaan para mapigilan ang patuloy na pagkalat virus.