Welcome para kay Senador Christopher Lawrence “Bong” Go ang planong magsagawa ng mass testing para sa mga persons under investigation (PUIs) at persons under monitoring (PUMs) sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Go na siyang chairman ng Senate Committee on Health at miyembro ng binuong Joint Oversight Committee na nangangasiwa sa pagpapatupad ng Bayanihan to Heal as One Act, tiwala siyang mapabababa na ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa kapag nailarga na ang mass testing.
“Buong suporta ako sa gagawin ng gobyerno na mass testing sa mga PUIs at PUMs para mas mapabilis natin ang pagsugpo ng COVID-19 sa ating bansa,” ani Go.
Magugunitang inihayag noong isang linggo ni National Action Plan on COVID-19 Chief Implementer Sec. Carlito Galvez, target nilang masimulan ang mass testing sa ika-14 ng Abril na gagawin sa iba’t ibang pasilidad na ginawa nilang mga quarantine areas.
“Maganda itong balita dahil sunud-sunod na ang hakbang natin laban sa COVID-19. Ito ang patunay na hindi natutulog ang gobyerno. Patuloy na nagtatrabaho ang gobyerno para malampasan ang krisis na ito at maprotektahan ang kapakanan ng mga Pilipino,” ani Go.
Kasunod nito, binigyang diin ng senador na kinakailangan pa sa ngayon ang pagdaragdag ng mga testing centers sa buong bansa upang lalo pang mapabilis ang pagtugon para sa mga pasyenteng nagtataglay ng nasabing virus.
“Kailangan na natin ng agarang aksyon para hindi na lumala ang sitwasyon dito sa Pilipinas para mas mapabilis na nating mawala ang COVID-19 sa bansa at bumalik na sa normal na takbo ang pamumuhay ng mga Pilipino,” ani Go.
Una rito, puspusan nang isinasaayos ang ilang pasilidad tulad ng PICC, CCP Complex, World Trade Center maging ang Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan para gawing quarantine areas para sa mga nagpositibo, PUI’s at PUM’s.