Kinalampag na ng PAO o Public Attorney’s Office ang Departments of Health at education para humingi ng masterlist ng mga batang nabakunahan ng Dengvaxia.
Gayunman, sinabi ni PAO Chief Atty. Percida Acosta na hinihintay na lamang nila ang magiging tugon ng DOH makaraang magpadala na sila ng demand letter dito.
Kasunod nito, pinag-aaralan din ng PAO na humingi rin ng kahalintulad na listahan mula sa DILG o Department of Interior and Local Government dahil maliban sa mga paaralan, nagsagawa rin ng dengue immunization program sa ilang mga komunidad sa bansa.
Samantala, sinabi ni Acosta na hindi dapat ibunton ang sisi at hindi rin dapat isali sa naturang kontrobersiya ang kasalukuyang mga opisyal ng pamahalaan.
Giit ni Acosta, nangyari ang maanomalyang pagbili ng naturang bakuna nuong nakalipas na administrasyon subalit dapat pa ring managot kung mapatunayan man na may nangyaring sabwatan.
Hindi rin dapat tama na isangkot sa kontrobersiya ang mga nurse, guro, midwives at health workers na siyang nag-turok ng naturang bakuna dahil sa sumunod lamang ang mga ito sa utos.