MARIING ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) Chief, P/Gen. Benjamin Acorda Jr. sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na magsagawa ng masusing imbestigasyon kaugnay ng insidente ng pamamaril kay Mayor Lester Sinsuat sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.
Nangyari ito noong Enero 2 ngayong taon kung saan ang alkalde at isang pulis ang naging biktima.
Ayon kay P/Col. Jean Fajardo, PNP Public Information Office chief, mayroon nang 10 na naaresto sa insidente at nahaharap na sa kaukulang kaso tulad ng pagpatay at ilegal na pagmamay-ari ng baril.
Iniulat din ni Fajardo na may isang suspek na kasalukuyang hinahanap pa ng PNP.
Nilinaw ni Fajardo na hindi ito isang pananambang kundi isang pamamaril, at kasalukuyang iniimbestigahan ng pamilya ang usapin upang mapanagot ang iba pang mga sangkot sa krimen.
Kasabay nito, tiniyak din ng PNP na walang whitewash na mangyayari sa kaso at itinanggi ang anumang impormasyon na may espesyal na pagtrato dito.
Maliban sa mga naaresto, kinasuhan din ng obstruction of justice ang ilang pulis matapos silang malusutan ng isa sa mga sinasabing sangkot sa krimen.
Samantala, sa pahayag naman ng pamilya Sinsuat, sinabi nilang ang pag-atake kay Mayor Lester ay isang planadong aksyon.
Nananawagan naman ang pamilya ng hustisya at umaasa na mabilis na mahuhuli ang utak sa likod ng tangkang asasinasyon kay Mayor Sinsuat.