Sa ika-walong sunod na taon, muling nakatanggap ng ‘unmodified opinion’ ang Climate Change Commission (CCC) mula sa Commission on Audit (COA) para sa financial statement noong 2022.
Ayon kay CCC Vice Chairperson at Executive Director Robert Borje, ang resulta ng taunang audit report na ito ay sumasalamin sa commitment ng ahensya para sa financial transparency at accountability sa pagtugon sa pabago-bagong klima.
Sinabi ni Borje na ang pagkamit ng CCC ng ‘unmodified opinion’ ay nangangahulugang maayos at tapat ang paggasta nila ng pondo ng bayan.
Ibinida rin ng opisyal na sa nakalipas na walong taon ay epektibo nilang naibubuhos ang kanilang pondo sa mga istratehiya at inisyatibo na naglalayong tugunan ang climate change.
Dahil dito, higit pa aniya silang magsisikap para patuloy na makapagbigay ng serbisyong nararapat para sa mga mamamayan at maabot ang hangaring maging ‘low-carbon’ at ‘climate-resilient’ ang Pilipinas.