Masidhi ang pagtutol ng maraming mga magulang sa dagdag na singil sa matrikula sa pribadong sektor ngayong darating na pasukan, matapos itong aprubahan ng Commission on Higher Education (CHED)
Katunayan, bilang magulang aabot sa walong porsyento (8%) hanggang sampung porsyento (10%) ang itinaas ng tuition ng aking mga anak sa pinapasukan nitong paaralan.
Maging kami ay umaaray dito, lalo na ang mga magulang na hirap nang itaguyod ang pag-aaral ng kanilang mga anak.
Ganunpaman, minsan wala tayong magagawa dahil bilang magulang hangad natin na mabigyan ng magandang edukasyon ang ating mga anak upang sa kanilang pagtanda ay ito ang kanilang magiging baon upang sila’y maging ika nga “competitive”.
Bagamat napapakamot tayo ng ulo kung paano at saan natin huhugitin ang perang pambayad sa matrikula, tayo minsa ay umaasa na kahit papaano ay meron man lamang makaisip ng mga paraan upang di naman ganun kabigat ito sa mga magulang.
At nitong lingo lamang, ay tila hulog ng langit ang panukalang batas na gustong itulak ni Senador Sonny Angara sa Senado, at ito ang Senate Bill Number 2228, o ang batas na magbibigay sa mga magulang o sinumang nagpapa-aral sa kolehiyo na mabigyan ng bawas sa annual gross income tax na binabayaran na apatnapung libong pisong kada estyudante.
Nililimitahan din ang tax deduction hanggang apat na anak kada taon.
Isa itong malaking kaginahawaan para sa mga magulang at sinumang nagpapaaral, lalo’t batid ng lahat kung gaano na kamahal ang pagpapaaral sa Higher Education o kolehiyo.
Ang panukalang ito ay siguradong magandang balita para sa mga tulad kung magulang.
Siguro ang atin na lamang pakiusap ay huwag na itong patagalin pa at kung maari ay susugan ito ng mga kapwa-Senador ni Angara.
Ngunit tiyak ito ay dadaan sa masusing pagbusisi ng mga kontra sa pag-awas sa bayaring buwis, lalong-lalo na ang Bureau of Internal Revenue, na madalas “allergic” kapag may mga ganitong mungkahi at panukala.
Siguro ipaalala na lamang natin sa mga nasa BIR, na kayo rin ay mga magulang na tiyak na ramdam niyo ang hinaing ng mga magulang hirap na sa pagpapaaral ng kanilang mga anak.
Dito kailangan marahil ng pag-unawa at puspusang konsultasyon upang hindi mauwi ang panukalang ito sa wala!