Itinutulak sa Kamara ang pagpapataw ng mas mataas na buwis sa mga sasakyan na halos kapresyo na rin ng mga bago at mamahaling kotse.
Sa inihaing House Bill 4774 na naglalaman ng tax reform package, sisingilin ng buwis na P24,000 plus 40% ang mga sasakyan na nagkakahalaga ng P600,000 hanggang P1.1 milyon.
Kung ang sasakyan ay P1.1 million hanggang P2.1 milyon ang halaga, papatawan ito ng buwis na P224,000 plus 100% ng halaga na lagpas sa P1.1 milyon.
Ang mga sasakyan naman na P2.1 milyon pataas, may katapat itong buwis na P1.2 milyon at may dagdag pang 200% ng halaga na lagpas sa P2.1 milyon.
Lotto prizes
Isinusulong din sa Kongreso ang pagpapataw ng buwis sa napapanalunang premyo kasama na ang sa lotto at iba pang games ng PCSO o Philippine Charity Sweepstakes Office.
Batay sa House Bill 4774, papatawan ng final tax na 20% ang winning o prizes habang libre naman sa buwis ang mapapanalunan dito mula P10,000 pababa.
Maliban dito, itinutulak din ang pagpapataw ng 6% na buwis sa mga regalo na lalagpas ng P100,000 ang halaga sa loob ng isang taon.
By Jelbert Perdez