Pinabubusisi ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng mag nabasurang kaso partikular na yung may kinalaman sa iligal na droga buhat nang magsimula ang war on drugs nuong 2016.
Ito’y ayon kay PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar ay para hindi masayang ang oras, pondo at panahon para sa mga pagsasampa ng kaso sa piskalya o sa hukuman na sa huli ay mababasura lang dahil sa teknikalidad.
Ayon sa PNP chief, target nilang pataasin ang conviction rate sa mga kasong may kinalaman sa iligal na droga dahil ito aniya ay indikasyon na nagtatagumpay ang war on drugs ng administrasyon.
Kailangan aniyang matiyak na malakas ang ebidensya sa mga kasong kanilang isasampa kaya’t marapat lamang na alamin ang puno’t-dulo at kung saan nagkamali ang mga pulis kaya ito ibinabasura ng korte.
Maliban dito, nais ding malaman ni Eleazar kung sinu-sino ang mga pulis na posibleng nakikipagsabwatan sa mga akusado kaya’t humihina ang ebidesya hanggang sa tuluyan nang mapatay ang kaso.
Batay sa datos mula 2016 kung kailan inilunsad ang war on drugs, aabot na sa mahigit 289 na libong drug suspek ang naaresto ng mga awtoridad mula sa mahigit 2,600 na ikinasang operasyon.—ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)