Hindi katanggap-tanggap para kay Senador Nancy Binay ang mataas na death toll dulot ng bagyong Vinta sa kabila ng pinaghusay na disaster preparedness measures ng gobyerno.
Ayon kay Binay, nakapagtataka kung paano sinapit ng Zamboanga Peninsula at Northern Mindanao ang delubyong dala ng bagyo gayong may mga babala naman sa tulong ng makabagong teknolohiya.
Dahil dito, dapat anyang repasuhin muli ang Disaster Risk Reduction at Management Protocols upang mabatid kung nagkaroon ng mga iregularidad sa sistema at ano ang mga dapat baguhin.
Sa ngayon ay nasa 161 na ang nasawi habang 176 na ang nawawala na karamiha’y taga-Mindanao batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.