Isang mataas na government official ang nais sibakin sa puwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte sa unang araw pa lamang ng taon.
Gayunman, isiniwalat ni Presidential Spokesman Harry Roque na ipinagpaliban ni Pangulong Duterte ang naturang desisyon, sa halip ay sa Miyerklues, Enero 3, na lamang niya ito planong ianunsyo.
Ayon kay Roque, pinayuhan niya ang Pangulo na hayaan munang makapagdiwang ng bagong taon ang sisibaking opisyal.
Hindi naman idinetalye ng tagapagsalita ng Palasyo kung sinong mataas na opisyal ang panibagong sisibakin ni Pangulong Duterte.
Matatandaang una nang tiniyak ng Malakanyang na agad magtatalaga si Pangulong Rodrigo Duterte ng mga bagong commissioner ng Energy Regulatory Commission (ERC).
Ito ay sakaling magpasya na ang Pangulo na tuluyang sibakin ang mga opisyal ng komisyon na unang sinuspinde ng ombudsman.
Batid umano ng sambayanan ang sinseridad ng Pangulo na malinis sa lahat ng uri ng katiwalian ang gobyerno kaya’t hindi nito hahayaang mamayagpag ang lahat ng masasangkot dito.