Asahan na ang panibagong mataas na bilang ng naitalang mga nakarekober o gumaling sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Linggo.
Ayon sa Department of Health (DOH), ito ay dahil kanilang iuulat ang panibagong batch ng time-based recoveries sa ilalim ng kanilang Oplan Recovery.
Tumutukoy ang time-based recovery sa mild o asymptomatic na kaso ng COVID-19 na nakatapos na ng 14 na araw ng isolation magmula nang nag-umpisa ang kanyang pagkakasakit o pagkuha ng specimen para sa testing.
Sinabi naman ng DOH, ang Oplan Recovery ay ang pinaigting na pangongolekta ng datos, validation at pagtutugma-tugma sa mga impormasyon mula sa central at regional offices ng DOH at local government units (LGUs).
Dagdag ng ahensiya, ang Oplan Recovery din ang nasa likod ng mahigit 4,000 bagong naitalang gumaling noong July 13 at record high na 38,000 new recoveries noong July 30.
Kaugnay, nito inanunsyo ng DOH na tuwing linggo na isasagawa ang regular na pag-aanunsyo ng mga bagong batch ng time-based recoveries.