Hinimok ni Senadora Risa Hontiveros ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases na irekonsidera o bawiin ang ipinatupad na deployment ban ng mga Filipino medical workers.
Sa ipinadalang liham ni Hontiveros kina IATF Chairperson Health Secretary Francisco Duque III at co-chair Secretary Karlo Nograles, sinabi ng senadora na kanyang nauunawaan ang layuning mabigyang prayoridad ang health care system sa bansa.
Gayunman, nakakaawa aniya ang sitwassyon ng ilang mga health workers na dumaan na sa matinding proseso ng pagsasanay at pag-aasikaso ng mga dokumento at permit pero hindi nakaalis ng Pilipinas dahil ban.
Ayon kay Hontiveros, hindi lamang oras ang inilaan ng ilang mga Filipino health workers para makapag-abroad, marami aniya ang nangutang o nagbenta ng ari-arian para mailaang pambayad sa gastusin upang makapagtrabaho sa ibang bansa.
Iginiit ni Hontiveros, ang dapat gawin ng pamahalaan ay maglaan ng mataas na pasahod at mahusay na working conditions sa mga Filipino health workers para mahimok ang ito na manatili sa bansa sa halip na magpatupad ng deployment ban.