Record-high ang produksyon ng bigas noong 2023.
Ito ang iniulat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nagsabing nakapag-ani ang bansa ng 20.06 million metric tons (MT) ng bigas noong nakaraang taon.
Mas mataas ito ng 1.5% kumpara sa 19.76 million MT ng bigas noong 2022.
Ayon sa Pangulo, ang pagbibigay ng pamahalaan ng magandang uri ng binhi at pataba sa mga magsasaka ang naging dahilan kung bakit tumaas ang rice production sa bansa.
Samantala, tiniyak ni Pangulong Marcos na patuloy na palalakasin ng pamahalaan ang sektor ng agrikultura at tutulungan ang mga magsasaka sa pamamagitan ng Rice Competitiveness Enhancement Fund na may inilaang P10 billion na pondo.
Gagamitin ang malaking bahagi ng naturang pondo sa distribusyon ng tillers, tractors, seeders, rice planters, driers, at iba pang kagamitang pansaka.