Wala pa ring desisyon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa taas singil sa pasahe ng Grab Philippines.
Ito’y makaraang maudlot ang ikalawa sanang pagdinig hinggil sa reklamo laban sa sobrang paniningil sa pasahe ng nasabing transport network vehicle service (TNVS).
Ayon kay LTFRB Franchise Planning and monitoring Division Officer-In-Charge Jocelyn Tataro, humiling ang kampo ng Grab na i-reset ang pagdinig sa Enero a – diyes.
Kinumpirma naman ni Grab Philippines Senior Director for Strategy and Operations Ronald Roda na isa sa kanilang mga opisyal ang tinamaan ng covid-19 kaya’t humiling sila na ipagpaliban ang hearing.
Ipapaliwanag sana kahapon ng Grab ang sinasabing “inconsistent fees” na ipinataw nila sa mga pasahero.
Inatasan din ng LTFRB ang naturang TNVS na ipaliwanag ang minimum fare na P85 para sa short-distance trips na halos apat na kilometro lamang gayung ang aprubadong minimum rate para sa TNVS ay P45.
Samantala, tatalakayin din sa susunod na pagdinig ang surge fee ng Grab.