Inirereklamo pa rin ng ilang commuter ang mataas na pasahe ng Transport Network Company na Grab sa gitna ng acquisition nito sa South-East Asia operations ng karibal na Uber.
Mula sa dating 250 hanggang 300 pesos, nasa 450 pesos na ang singil sa ilang pasaherong bumiyahe mula North Avenue hanggang Ortigas Center habang nasa 300 pesos na ang mula Makati hanggang Maynila kumpara sa dating 150 pesos tuwing umaga.
Dahil dito, napilitan ang ibang pasahero ng Grab na sumakay na lamang ng bus o MRT.
Gayunman, itinanggi ng Grab na sinasamantala nito ang pagkakataon lalo’t wala na silang ka-kumpetensyang Uber upang magpatupad umano ng surge pricing sa pasahe.
Magugunitang ipinag-utos ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa Grab ang agad na ibaba ang surge pricing cap nito mula sa dating dobleng regular rate habang pino-proseso ang accreditation ng mga bagong TNC na hahalili sa Uber.